1.05.2006

Be Careful What You Wish For

2004 was the most productive year of my life in terms of the sheer quantity of the written works I churned out. I had this really funky professor for Filipino 14, you see. His name was Vladimeir Gonzales (try googling him, I think he has a couple of short stories online), and while other sections were taking up Public Speaking or Grammar (balarila in Filipino - somehow I never really liked that word), he put us through a semester-long creative writing workshop.

One major requirement of that subject was to submit a portfolio of written works at the end of the sem, compiled in one small notebook. I took the project really seriously, being the angsty, idealistic freshman I was then, so I think I could say that that notebook contained the most personal, most honest works I've ever written at that point in my life.

Now, the sucky thing (and the inspiration for this entry, actually) is that I somehow misplaced the notebook after it was checked and returned to us at the end of the sem. I'd give anything to get that notebook back and just browse through my old work, but despite my efforts I just couldn't seem to locate it. So anyway, by some stroke of luck, I was cleaning up my desktop and came across this essay I wrote for the subject.

Here's the unedited essay for your consumption (pardon the awkward Filipino, and the grammar and punctuation errors).

Somehow I was so innocent back then.

Ang Alaala ay Panaginip ay Alaala


Minsan sa may kalayaan tayo'y nagkatagpuan
May mga sariling gimik at kanya-kanyang hangad sa buhay..
"Minsan" - Eraserheads

Ang mga alaala ko’y makipot, malapot, malabo - parang mga panaginip na totoo habang tulog ka ngunit hindi na mabalikan pagkagising sa umaga. Ang mga ito'y parang usok ng sigarilyo na nakikita't naaamoy ngunit hindi naman mahagilap tuwing susubukan huliin. Bumabalik ang mga ito nang pasulpot-sulpot, sa mga oras na hindi ko aakalaing bibisatahin ka ng nakaraang halos hindi ko na makilala. Dumadating ang mga punto na kung minsan ay hindi ko na alam kung totoong alaala nga ang aking binabalikan o isang panaginip, o kathang isip, mula sa malikot na imahinasyon.

* * *
Ang mga alaala ay ang mga panaginip ng taong lasing.

Halos tinanghali na ako ng gising kahapon, at sobrang sama ang aking pakiramdam - pagod, masakit ang ulo, at masagwa ang lasa ng bibig. Unti-unting bumalik sa akin ang gabing nakaraan, kasama na rin ng pagbalik ng aking tamang pag-iisip: nandiyan ang di-mawawalang beer at ang malagkit na itim na upuan; ang mga gumigiling na babaeng nakangiti at ang mga umiikot na ilaw; at sa kasukdulan, ang nakakasilaw na puti ng banyo at ang pamilyar na amoy ng aking kama. Halos naririnig ko pa rin ang mga ipinatugtog noong nakaraang gabi.

Ang problema lang ngayon, hindi ko na malaman kung alin sa mga ito ang totoo, at kung alin ang kathang-isip ko na lamang - kung alin ang mga totoong alaala, at kung alin ang mga panaginip na dala lamang ng serbesa. Sa di-mabilang na mga umaga na katulad ng umagang iyon, sabay-sabay na sumasayaw sa aking utak si Mister Kabab, si Marlboro Man, si Aubrey Miles, at si Grimace, sa walang katapusan na pagpukpok ng tambol ng puso ko.

* * *
Ang alaala at panaginip ay tulad ng Fuji apple na nalimutan sa loob ng ref hanggang mabulok na.

Dalawa sa aking mga kauna-unahang alaala ay galing sa isang Kiddie Party sa McDo noong mga anim na taong gulang pa lamang ako. Mukha akong tumatalon na bola na malakas ang boses, at daig pa sa kakulitan si Dennis the Menace. Ang gawain ko noon sa mga party ay ang pagtakbo palibot sa kuwartong ginaganapan upang kolektahin ang lahat ng mga lobong nakatali sa mga upuan at mga dingding, upang huwag silang putukin ng ibang mga bata. Ngunit wala ring silbi - tatawagin lamang nila akong sugapa at aagawin sa akin ang lahat ng mga lobong pinaghirapan kong tanggalin ang buhol. Noong panahong iyon kasi, kinakausap ko ang mga lobo, at kinakausap din nila ako. Pinaka-ayokong mga laro noon ang Pop the Balloon at ang Balloon Relay, dahil para sa akin ang malakas na pagputok ng mga lobo ay ang huling pag-ungol ng mga biktimang ito. Habang tuwang-tuwa ang mga batang mamamatay-lobo sa mga larong ito, nakaluhod lamang ako sa malayong kanto ng kuwarto nang nakapikit ang mata at nakatakip ang tainga. Ayokong marinig ang mga sigaw nila.

Hilig ko din gawin noon sa McDo ang paghabol sa mga mascot. Ewan ko lang kasi, pero aliw na aliw ako sa mga mascot, lalong-lalo na kay Grimace. Pakiramdam ko kasi, kamukha ko siya. Hindi naman sa mukha akong higanteng kamote o mabuhok na ube noong bata ako, pero alam mo yung pakiramdam na iyon - ako siya, at siya ako. Ipinagtagpo kami ng tadhana. Ngunit hindi yata alam ni Grimace iyon. Isang beses, tinalunan ko siya kasabay ng mahigpit na yakap sa braso. Nagulat naman ako, dahil sa halip na yakapin din niya ako, napabulong ito nang malakas, "Tanginang bata ka!", kasabay ng hampas ng mabalahibo at kulay-ubeng kamay.

* * *
Ang ala-ala ay boses mula sa panaginip, na kahit na anong gawin ay hinding-hindi na maririnig muli.

Hindi ko na maalala ang boses ni Pong Pagong. Nakakabadtrip, siya pa naman kasi ang paborito kong karakter sa Batibot, at siya rin ang pinakapaborito kong mascot sa lahat. Ang guwapo kasi niya, lalo na kapag katabi niya sina Kiko Matsing at Kuya Bodji. Gusto ko nga noon magkatuluyan sila ni Ate Siena - bagay sana sila. Basta, naaalala kong mataas, at hindi maintindihan, ang boses niya; hindi tulad ng boses ni Kiko Matsing, na magaspang at tunog-rapist.

Takot na takot ako kay Kiko Matsing noong bata ako (at hanggang ngayon pa rin ata?). Doon sa Batibot lang ako nakakita ng bansot na unggoy na mas maliit pa kaysa sa pagong. At siya na rin ang pinakapangit na matsing na nakita ko sa buong buhay ko - mukha siyang echas ng matsing. At ang boses niya - Diyos ko! - ang boses niya'y nakakatindig-balahibo. Nagkakabangungot pa ako noon dahil sa mahiwagang boses niya. "Ate Siena! Ate Siena! Tingnan mo! Ang laki ng Titik O!".

Ang dami ko talagang natutunan sa Batibot. Bukod sa Makabagong Alpabetong Pilipino at sa pagbilang, doon ko nalaman na walang perpektong sitwasyon sa mundo - laging patas lang. Kung mayroong lalaki tulad ni Kuya Bodji, mayroon ding babae, si Ate Siena. Kung may alpabeto, mayroon ding mga numero. Kung mayroong cute na Pong Pagong, mayroon ding sobrang pangit na Kiko Matsing.

Salamat talaga sa Batibot; ibang tao siguro ako ngayon kung wala ito noon. Sobrang laki ng naging epekto sa akin nito na minsan napapakanta na lang ako bigla ng, "Pagmulat ng mata, paggising sa umaga...".

* * *
Ang mga alaala at panaginip ay mga kantang umiikot sa isipan na tutugtog na lang bigla tuwing hindi inaasahan.

Bawat ala-ala sa isip ko ay may karugtong na kanta o mga kanta. Pati na rin ang mga panaginip ko'y kadalasa'y may kanta ring tumutugtog sa background, parang telenobela o kaya nama'y isang episode ng Maalaala Mo Kaya. Dahil dito, sobrang dali para sa akin ang makaalala ng mga nakaraang pangyayari tuwing nakakarinig ako ng musika. Kaso lang, kadalasan, nagiging parang music video ang nagiging porma ng alaala, kung saan nakikikanta ang mga tauhan sa loob ng eksena sa mga salita ng kanta, o kaya'y pasulpot-sulpot naman ang bandang tumugtog ng kanta. Minsan pa nga'y nagiging parang videoke ang itsura ng alaala, kung saan lumalabas ang mga salita ng kanta sa bandang ilalim ng imahen habang tuloy-tuloy ang kuwento.

OPM ang karamihan sa mga kantang nakakabit sa mga alaala at panaginip ko. Nandiyan ang Rivermaya, Eraserheads, True Faith, Parokya ni Edgar, The Dawn, Hotdog, at siyempre, Siakol. Sila ang mga kinakalakihan at nakasanayan ko sa aking formative years - noong ako'y 8 hanggang 13 na taong gulang. "Formative years" ang tawag diyan, dahil ang panahong iyan ang siyang magpapanday at magbubuo sa pag-isip at pagkatao ng isang nilalang. Noong tumanda ako, nadagdagan na rin ang mga bandang tumutugtog sa isipan ko, ngunit OPM pa rin - ang Hungry Young Poets, Barbie's Cradle, Mojofly, Sugarfree, at kung anu-anong mga banda na naririnig ko sa NU 107.5.

Kung ang ibang tao, may photographic memory, ako siguro, may musical memory. Ako yung tipo ng tao na kapag nakarinig ng kanta'y sisigaw ng, "Pare! (Pamagat ng kanta) 'yan a! Mems! Naaalala mo noong...".

* * *
Ang mga panaginip ay parang mga kanta sa gitara na malilimutan mo kung paano tugtugin, ngunit bigla mong maaalala tuwing nagjajamming kayo ilang taon na ang nakaraan.

Malaking porsyento ng aking oras sa hayskul ang kinuha ng musika. Ako yung tipo ng taong hindi mo makikitang walang hawak na gitara - mula silid-aralan, hanggang canteen, mula kotse, hanggang mall, mula inuman, hanggang kama, halos laging bitbit ko gitara ko. Hindi naman sa magaling ako tumugtog - isa ako sa pinakabano mag-gitara noon - pero lagi kong nararamdaman na may kanta para sa bawat okasyon. Hayskul ito: Mamaya-maya'y may inlab na binatang magrerequest ng "Pare Ko" ng Eraserheads, o may babaeng humihingi ng "Himala" ng Rivermaya.

Nariyan din ang pakiramdam na hindi ako mapakali dahil may kantang hindi ko kaya tugtugin - na kailangan ko kaagad kapain. Sa dami ng mga bagong kanta noong hayskul ako, lagi akong di-mapakali at praning.

Karamihan sa mga pinakamagaganda kong alaala noong hayskul ay kahit papaano'y naaalala ko sa gitara ko. Noong third year hayskul ako, tinuruan kong tumugtog ang best friend kong si Arun (na ngayo'y nasa DLSU na) ng simpleng kanta. Nang huli kaming magkita, halos malampasan na niya ako sa galing (ngunit hindi sa kaguwapuhan). Naka-ilang "gig" na rin kami niyan ni Arun: dose-dosenang mga debut, classroom jam sessions sa harapan ng teacher, jam session sa tabi ng main road, pati na rin sa mall at coffee shop. Kapansin-pansin sa aming dalawa na parehong laspag-sira na halos ang mga gitara namin, at na pareho kaming hindi marunong kumanta. Kaso okey lang sa amin yun - ang musika ay musika. Iyong mga araw na iyon siguro ang iilan sa pinakamasayang alaala sa buhay ko.

* * *
Ang alaala at panaginip ay parang pagsakay sa bisikleta o kaya ang pagmaneho ng kotse - akala mo ay nalimutan mo na kung paano ngunit biglang babalik sa iyo kapag kailangan mo.

Bukod sa gitara ko, ang kotse ko ang isa pang bagay na madaming binabalik na alaala. Tulad din ng gitara ko, halos linaspag ko na yung Starex na iyon sa dami ng beses na tinakas, hinarurot, at binangga (sa mga hindi gumagalaw na bagay tulad ng bato, pader, pedestal, atbp.!) ko ito. Ika nga ng kaibigan ko, "warcar" daw ang auto ko.

Simula nang natuto ako magdrive noong third year hayskul, ginawa na akong transpo ng bayan. Dahil ako lang ang may dalang malaking kotse, ako ang sadyang naging tsuper ng "schoolbus" patungo sa mga gimik namin. Noong umpisa, hanggang Alabang Town Center lang ang mga lakwatsa namin, dahil malapit sa eskwelahan. Paglipas ng panahon, palayo nang palayo ang inabot namin: Glorietta 4 at Greenbelt 3, Robinson's Galleria, Podium, Rockwell, Eastwood, Tagaytay, at Subic. Iilang libo na ang inabono ko sa diesel na hindi pa nababayaran ng mga nakikisakay sa akin, pero okey lang sakin. Masaya naman e. Pagtagal, natutunan na rin namin gawing inuman ang likod ng van tuwing wala kaming ibang lugar na puwede inuman.

Ngunit hindi lang ang mga gimik namin ang naaalala ko sa kotse ko. Kung alam ko lang sana na mas madali manligaw tuwing may kotse ka ay mas maaga sana ako natutong magmaneho. Ngunit totoo - sobrang plus pogi points ang dala ng pagdala ng sariling kotse sa mga date at party. Ang dami ring puwedeng gawin sa loob ng kotse: turuan ang kasintahan magmaneho; makinig ng radyo; at humiga at pagmasdan ang mga bituin. At alam mo ba - magiging parang kama na halos ang Starex kapag hiniga ang lahat ng mga upuan nito!

Masasabi kong sa loob ng Starex na iyon ako unang natutong umibig. Doon ako unang nagkaroon ng kasintahan; doon ako unang nakatikim ng matamis na halik; doon ako unang nakaramdam na may mahal ako at may nagmamahal din sa akin. Ngunit, doon rin ako unang sinabihan ng babaeng mahal ko na iiwanan na niya ako para sa ibang lalaki. Parang mga panaginip na lamang ang mga alaala ko mula sa panahong iyon.

Ngunit okey lang. Kampante akong may darating na ibang babae - ibang babae na uupo sa tabi ko at tutulungan akong lumikha ng bagong mga panaginip at alaala. Ang tagal nga lang niya.

* * *
Wala na akong mga bagong panaginip ngayon. Wala na akong tulog sa dami ng aking mga ginagawa sa kolehiyo.

Wala na akong mga bagong alaala. Pare-pareho lang ang nangyayari araw-araw; walang namumukod-tanging mga pangyayari na may karapatan maging mga alaalang itatago.

Minsan, tuwing napapaisip ako, hindi ko na nakikita ang pagkakaiba ng aking mga panaginip sa aking mga alaala. Hindi ko na alam kung totoo nga ang mga nangyari sa akin sa buhay ko, o gawa-gawa na lamang ng aking mapaglarong isipan. Ayaw ko nang isipin - lalong dumudulas ang katotohanan habang humihigpit ang hawak ko dito.

Siguro, pareho lang talaga ang dalawa, o kaya'y laging magkasama. Parang Kiko Matsing at Pong Pagong.

Ang alaala ay panaginip ay alaala.


3 Comments:

Blogger stani said...

minsan naisip kong gumawa ng kwento kung saan ang lahat ng childhood memories ng bida ay mga deja vu lang pala ng mga mahahalagang pangyyari sa kanyang panghinaharap.

would that then be betrayal of the self?

12:52 AM  
Blogger vlad said...

oy jonat! special mention ako dito a! salamat, nakatago pa rin yung mga ginawa ninyo sa subject natin at pinapabasa ko sa mga estudyante sa up (sa up na ako ngayon) paminsan-minsan. ingat!

2:04 AM  
Blogger Jonathan said...

sir vlad! hahaha halatang gino-google sarili niya.

oo nga eh! sayang! hindi na kita nakikita sa school. yung mga notebook po ba na sa iyo pa rin? hinahanap ko yung akin!

1:53 PM  

Post a Comment

<< Home